INAMIN ng actor-politician na si Richard Gomez na medyo istrikto siyang tatay sa nag-iisang anak nila ni Lucy Torres na si Juliana.
“I am very cool to Juliana pero hindi ko naman siya ini-spoil. Medyo istrikto ako in some ways pero hindi sa lahat ng bagay.
“Ayaw ko naman na kinakatakutan niya ako. Gusto ko kapag may gusto siyang sabihin sa akin ay nakakausap niya ako,” paliwanag ni Goma sa isang panayam sa radyo.
Hindi rin daw siya gaanong nakikialam sa anak na dalaga pagdating sa usaping pag-ibig o pakikipagrelasyon.
“Pagdating sa ganoong bagay, siya at mommy niya ang laging nag-uusap. When it comes to affairs of the heart, mga crush-crush, ang kausap niya diyan nanay niya,” sey ng award-winning actor.
Ano naman ang lagi niyang ipinapayo kay Juliana pagdating sa lovelife? “Well sinasabi ko sa kanya lagi na number one bata pa siya, she’s just turning 21 pa lang. Marami pang oras na pwede niyang pag-isipan kung ano ang gusto niyang gawin.
“Anyways hindi ko naman siya pinagbabawalan. Kung mayroon siyang manliligaw sa bahay, kung may pumupunta roon, okay lang naman sa amin,” aniya pa.
Sa tanong naman kung ano ang kinatatakutan niya para sa anak at kung ano ang dream niya para kay Juliana? “Siyempre lahat tayong parents kinakatakutan natin biglang mag-asawa ‘yung mga anak natin. What I really want for Juliana is for her to fulfill her dreams.
“Alam ko na mahaba pa, marami pa siyang makukuhang success sa buhay niya. So it’s really up to her. Kami naman ni Lucy hanggang suggestions lang kami, hanggang payo lang ang magagawa namin.”
“But when it comes to implementation kung ano ang gusto niya sa sarili niya ay nasa kanya ‘yon,” tugon ng aktor.
At dahil malapit na ang Father’s Day, hiningan din si Richard sa nasabing panayam kung ano ang maipapayo niya para mas maging matatag pa ang relasyon ng isang tatay sa kanyang mga anak.
“No matter how busy you are, you really have to find time para makipag-communicate, No. 1 sa asawa at saka roon sa mga anak mo.”
“Then kapag mayroon kang free time, you really have to give time na makasama mo sila kahit sa bahay lang. Hindi niyo kailangang mamasyal, kahit sa bahay lang, you read together, you pray together, just watching TV together, just being on the table, kuwentuhan lang. Communication is really very important para mapalapit ka sa isa’t isa, sa pamilya mo,” pahayag ng mayor ng Ormoc City.