Tsong Joey ayaw nang magka-baby; gumawa na ng ‘huling habilin’ para sa 16 anak

MALAKI ang tinatanaw na utang na loob ng talent manager at vlogger na si Ogie Diaz sa beteranong aktor na si Joey Marquez.

Si Tsong Joey ang special guest ni Ogie sa bago niyang vlog sa YouTube at naikuwento nga niya rito ang tungkol sa pagsisimula niya sa showbiz bilang artista.

Say ni Ogie, “Nu’ng nag-iinterbyu pa lang ako kay Tsong nu’ng sila pa ni Alma Moreno, ibinilin niya ako kay Douglas Quijano na namayapang manager ni Tsong. Sabi niya, ‘Dougs bigyan natin ng karakter dito sa Palibhasa Lalake.’

“So, iyon ang suggestion ni Douglas kay Joey Reyes (writer ng show). Si Pekto ay ipinanganak na Palibhasa Lalake,” kuwento ni Ogie.

Sabi naman ni Tsong Joey, “Sa totoo lang hindi naman utang na loob tawag doon kundi dahil magaling ka. Walang kuwenta ang utang na loob kung hindi ka magaling. Hindi utang na loob ‘yun dahil talented ka!”

Anyway, 61 years old na ngayong Oktubre ang comedian pero malakas pa rin siya, “Oo malakas pa rin (pangangatawan), sa edad ko malakas pa rin. Hindi ganu’n kalakas pero kung (ihahambing) sa ordinaryong taong kasing-edad ko mas lalampasan ko ang lakas niya.”

“Nu’ng araw kasi bata-bata tayo.  Daanin natin sa pagkalalaki nu’ng araw nakakalima o anim ako sa isang araw dahil bata ako, ngayong tumanda na ako apat na lang,” birong pahayag ni Tsong.

Sa ngayon ay 16 ang anak ni Tsong Joey, kaya ang tanong ni Ogie, posible pa ba itong madagdagan? “Medyo unfair na sa bata kasi kapag nag-10 years old siya, otsenta na ako hindi ko na kaya,” diretsong sagot ng komedyante.

“Desisyon ko na (itigil na), kasi masyado na akong may edad para magkaanak pa. Baka hindi ko na abutin ang pagkabinata o pagkadalaga niya. Gusto kong maabutan pa ‘yung mga apo ko, eh,” kuwento nito.

Kapiling ng komedyante ang lahat ng mga anak niya, “Siyempre! Siguro alam ng mga nanay nila na maalaga ako talaga sa bata at parati ko kasing sinasabi nu’ng karelasyon ko sila na, ‘Wag kayong makikipagkumpetensiya sa mga anak ko, matatalo kayo. Mali man o tama ang mga anak ko, mga anak ko ang pipiliin ko.’

“Kasi mga anak ko, dugo ko ‘yan at kailangan nila ako. Hindi sila mabubuhay kung kahit paano wala sa kalinga ko. Hindi ko sila puwedeng ipagpalit kahit kanino,” saad pa ni Tsong.

Sa tanong ni Ogie kung may selosan sa mga anak niya, “Wala naman, saka sa mga anak ko, there’s no such thing as half-brother, half-sister. It’s either brother or sister lang.

“Ang kagandahan, very protective sila sa isa’t isa. At kapag magkakasama kami parang lahat sila iisa lang ang pinanggalingan ng dugo, sa akin lang talaga lahat.

“So walang discrimination na sa iba ka anak, walang ganu’n saka close silang lahat at nagko-communicate sila iyon ang maganda,” pahayag ni Tsong.

Rebelasyon pa ni Joey na kahit hiwalay na siya sa mga nanay ng mga anak niya ay tinutulungan pa rin niya, “Oo kasi kailangan masaya ang mga anak ko. Mga anak ko ang napasaya ko (hindi ang ina nila).”

Dagdag pa niya, “Sasabihin ng anak ko, ‘may problema si mommy, eh.’ Alam ko na (sabay bunot ng pera).  Hindi man makatulong ng sapat, gusto ko kasi ayaw kong magdamdam ‘yung anak ko at mamroblema siya sa magulang nila at kasama na rin dito ‘yung paggalang ko sa mga nanay na hindi porket hiwalay na kayo at hindi na kayo magkasama hindi ka na dapat nag-iisip para sa kanila.”

At pag namaalam na raw sa mundo si Joey ay na-prepare na niya kung ano ang para sa mga anak, “Oo kasi ako ‘yung taong hindi maluho. Hindi ako mahilig maglalabas, hindi ako mahilig bumili ng kung anu-ano.

“Hangga’t maaari kasi ipon lang ako nang ipon. Hindi para sa akin kundi kahit paano may maiwan ako para sa mga anak ko kasi alam ko magiging magulang sila at ayaw kong mamroblema pa sila para sa mga anak nila,” pagtatapat ni Joey.

Inamin din ng comedian na mayroon na siyang last will, “Oo nandoon lahat ang pangalan nila at ang nakakaalam no’n, ate (Via) ko. Kasi siya ‘yung nagsabi na ‘Joey mga anak mo, pantay-pantay ha, walang favorite-favorite diyan.’ Yun ang paalala niya sa akin.”

Read more...