CEBU CITY, Philippines — NAGPAABOT na rin ng pakikiramay ang dating asawa ni Kris Aquino na si James Yap pati na ang Italian partner nitong si Michela Cazzola sa pagkamatay ni dating Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III.
Ayon sa basketball superstar at tatay ng bunsong anak ni Kris na si Bimby, naging mabuti at maayos ang pakikitungo sa kanya ni P-Noy noong nabubuhay pa ito.
Dakong 9 p.m. kagabi nang mag-post si James sa kanyang social media account ng kanyang pakikiramay sa pagkamatay ng dating presidente.
Nag-post ang PBA player sa kanyang Instagram account ng litrato ni P-Noy na may caption na, “Rest in peace President Noynoy Aquino. Thank you for being nice to me. You will be missed.”
Sa kanyang IG post naman kahapon, nagbahagi ng maiksing mensahe si Kris para sa pumanaw niyang kapatid na may yellow heart emoji. Aniya, “We love you Noy.”
Kasama ito ng ibinahagi niyang video kung saan mapapanood ang pagbabasa ng kapatid ni Kris na si Pinky Aquino-Abellada ang official statement ng kanilang pamilya tungkol sa pagpanaw ng nag-iisa nilang kapatid na lalaki.
Sa comments section, nag-iwan ng mensahe ng pakikiramay ang partner ni James Yap na si Michela para kay Kris.
“Condolences, Kris. Had the honor to work with your brother’s administration. Am sorry to hear about the sad news,” aniya.
Binawian ng buhay si P-Noy eksaktong 6:30 a.m. kahapon, June 24, dahil sa renal disease secondary to diabetes. Siya ay 61 years old.
Matagal nang walang komunikasyon sina Kris at James habang naging kaibigan naman ng TV host-actress si Michela noong panahong sinubukang magkaayos nina Kris at James para sa kanilang anak na si Bimby.
Kung matatandaan, October, 2016 ay bumisita si Kris sa bahay nina Michela at James para makita ni Bimby ang kapatid sa ama na si Michael James, na noo’y baby pa lang.
Nabanggit din ni Kris sa isang panayam noong December, 2016, na itinuturing niyang kaibigan si Michela dahil naramdaman niya ang totoo at sincere effort nito na maging malapit sila.
Samantala, ilan pang celebrities ang nagpaabot ng pakikiramay sa pamamaalam ni Noynoy Aquino, kabilang na ang malalapit na kaibigan ni Kris sa showbiz.
Nag-alay pa ng “moment of silence” ang “It’s Showtime” para kay P-Noy at nagbigay nga ng kanilang mensahe ang mga host nito, kabilang na si Vice Ganda.
“Sa puntong ito po ay humihiling kami sa lahat ng mga madlang people na nakatutok sa atin ngayon, pati na rin sa mga kasama natin sa studio, na maglaan po tayo ng ilang sandali ng katahimikan para sa pagbibigay-pugay sa ating namayapang Pangulong Noynoy Aquino.
“Ang buong pamilya ng It’s Showtime ay nakikiramay po sa pamilya po ng mga Cojuangco at mga Aquino,” pahayag ni Vice.
Sa kanyang Twitter account, muling nagpaabot ng mensahe ang Phenomenal Box-office Star para sa pagpanaw ni P-Noy, “Today is a sad day as we are all shocked by the untimely death of former President Noynoy Aquino.
“I am one with every Filipino as we grieve and mourn his unexpected death. My heartfelt condolences to the Aquino family. Godspeed PNoy and Rest In Peace.”
Ito naman ang mensahe ni Angel Locsin para kay Kris at sa mga anak nitong sina Joshua at Bimby, “My thoughts and prayers to the Aquino family. Mahigpit na akap ate @krisaquino, Josh and Bimby.”
Ilan pa sa mga artistang nakiramay sa pamilya Aquino ay sina Dingdong Dantes, Kim Chiu, Judy Ann Santos, Matteo Guidicelli, Ogie Alcasid, Darren Espanto, Derek Ramsay, Alex Gonzaga, Tom Rodriguez at marami pang iba.
Follow us: @inquirerdotnet on Twitter | inquirerdotnet on Facebook