Ang P200 million talent fee sa loob ng dalawang taon ba ang nagpabago ng desisyon ni Bea Alonzo kaya siya pumirma ng kontrata sa GMA 7?
Ito ang nakarating na tsika sa amin nu’ng araw na opisyal nang naging Kapuso ang aktres. Malaking tulong umano ito para sa kanya at sa pamilya niya lalo’t hindi pa naman gaanong kumikita ang kanyang farm. Panay pa ang pagawa niya ng kung anu-ano roon na nangangailangan ng malaking halaga.
Ayon sa aming source, noong nagpaalam daw si Bea na kukuha siya ng bagong manager ay okay lang sa ABS-CBN management. Nagsabi rin daw naman ang aktres at ang manager niyang si Ms Shirley Kuan na pelikula lang ang gagawin niya sa GMA Picture, at ito ‘yung makakasama niya si Alden Richards.
Kaya laking gulat ng mga taga-Kapamilya network nang malamang pipirma na ng kontrata si Bea for TV dahil nga nag-expect sila na sa kanila pa rin gagawa ng teleserye ang dalaga.
Maging ang ilang contract stars ng Kapamilya network ay sang-ayon sa desisyon ni Bea.
“E, kung ako rin naman ang offeran ng P200 million, e, magpapaalam na talaga ako. Sa panahon ng pandemic lahat tayo nangangailangan at minsan lang dumating ang ganitong pagkakataon, bakit hindi natin i-grab? “ sabi ng kasabayang aktres ni Bea.
“Mag-iinarte pa ba ako? Nandito tayo sa showbiz para mag work at mabuhay, e, kung wala namang offer at kung meron man hindi ganu’n kalaki, e, siguro uunahin ko na ang P200M,” sabi naman ng aktor na naka-work si Bea sa Kapamilya network.
Tanong namin sa mga kausap namin, “Asan ang loyalty mo sa network na nagpasikat sa ‘yo?”
“Reggee, ang utang na loob hindi mawawala ‘yan kailan man. Pero kung kumakalam ang sikmura mo at hindi naman matugunan lahat ng pangangailangan ng pamilya, e, siguro maiintindihan ng lahat. Kung hindi wala silang magagawa. E, sana pinapirma nila ng kontrata or ni-renew kahit na pandemic para may habol sila,” katwiran ng aktor na ka-trabaho ng aktres.
Sabi nga ng iba kailangang maraming-marami kang pera o malalim ang bulsa mo kapag pinairal mo ang loyalty sa ABS-CBN dahil hindi mo alam kung kailan ka magkakaroon ng project lalo’t wala pa rin itong prangkisa.
Sabi nga ng netizens na nababasa namin ang mga komento dahil sa below the belt bash nila kay Bea, “Valid naman ang reason na magalit sila sa paglipat ni Bea sa GMA, pero sana ‘wag na ‘yung masasakit na salita na halos hindi na makain, sana isipin din nila ang mararamdaman ng pamilya ni Bea.”
Sa ganang amin ay kailangan nilang tanggapin dahil kasama rin sila sa dahilan kung bakit siguro tinanggap ni Bea ang offer ng GMA 7.
Anyway, trulili kaya na ang main reason kung bakit masama ang loob ng Kapamilya network kay Bea ay sa dahilang kay CEO Carlo L. Katigbak lang siya nagpaalam? Na siya lang din ang binanggit ng aktres sa nakaraang mediacon niya sa GMA 7.
Hindi raw siya nagpaalam kina Chief Operating Officer Cory Vidanes, Direk Laurenti Dyogi, Direk Ruel S. Bayani, Dreamscape Entertainment Deo T. Endrinal at kay Ms Olive ‘Inang’ Lamasan?
Kung totoo ito, parang may mali?