Nagbubunyi sa saya ang loyal supporters nina Coco Martin at Julia Montes dahil naglabasan na sa social media na papasok sa “FPJ’s Ang Probinsyano” ang aktres na matagal na nilang gusto.
Oo nga mag-a-anim na taon na ang aksyonserye ni Coco sa Setyembre 2021 ay saka pa lang papasok si Julia na hindi pa binanggit kung ano ang magiging karakter.
Tinanong kasi namin kung si Julia lang ba ang nagsabi sa management niya na gusto niyang mag-join sa “Ang Probinsyano” since puwede naman siyang mag-desisyon on her own.
Ayon sa handler nitong si Mac Merla, “hi Reggee, Production asked her to be part of “FPJ’s Ang Probinsyano”. Nagpaalam po ang Dreamscape if okay si Julia, so we asked Julia and of course she ‘yes.’”
Hindi namin itatago na isa rin kami sa umasang sana maging parte si Julia ng “FPJ’s Ang Probinsyano” noon pa pero nawalan na kami ng pag-asa kasi umabot na sa limang taon, waley pa rin. Sino ba naman maga-akalang pagsapit pala ng ika-anim na taon ay saka papasok ang aktres?
At dahil malakas ang tambalan ng dalawa simula pa noong nagsama sila sa unang serye nilang “Walang Hanggan” (2012), “Ikaw Lamang” (2014) at “Wansapanataym: Yamashita’s Treasure” (2015) kaya humihirit ang followers nila na muli silang magsama.
Huling napanood naman sa serye si Julia noong “24/7” kasama sina JC Santos at Arjo Atayde na inabutan naman ng 2020. Sayang nga, ang ganda ng show naputol dahil sa pandemya.
Sa kasalukuyan ay hindi pa nire-reveal kung ano ang karakter ng aktres at kung kailan ang taping niya.
“Sa ngayon wala pa kami timeline. Now palang pag-uusapan ang story and character niya,” sagot sa amin ng handler ni Julia.
Nag-request kami ng solo interview para kay Julia pero hindi raw kaya today o this week.
“Dikit-dikit ang sched niya this week hanggang next week,” sabi ni Mac.
On-going pa rin ang online school ng aktres sa Southville International School and Colleges. Prior to that ay natapos na niya noong 2015 ang culinary arts niya sa Center of Culinary Arts Manila kung saan nakasabayan niyang magtapos sina Yam Concepcion at Bea Alonzo.
Anyway, ngayon araw naman nagpalabas ang Kapamilya network ng press release na papasok na nga si Julia sa “FPJ’s Ang Probinsyano” kasama sina Tommy Abuel, Rosanna Roces, Vangie Labalan, Michael Flores, Chai Fonacier, Marela Torre, Elora Españo, at Joseph Marco.
Ngayong araw ginaganap ang story conference ng bagong cast ng aksyon serye kaya hindi kami nasagot pa ng handler ng aktres kung ano ang karakter niya.
At dahil tiyak na tataas ang ratings game ng “FPJ’s Ang Probinsyano” at dadami lalo ang ads/sponsors. Posible kayang ma-extend hanggang 2022 ang serye nina Coco?