Mahal pumanaw na, showbiz industry nagluluksa: Ang tapang mo! Pahinga ka na…

PUMANAW na ang komedyanang si Mahal o Noeme Tesorero sa tunay na buhay. Siya ay 46 years old.

Mismong ang kapatid ni Mahal na si Irene Tesorero ang nagbahagi ng malungkot na balita sa pamamagitan ng kanyang Facebook account.

Wala pang karagdagang detalye na inilalabas ang mga kapamilya ni Mahal tungkol sa naging sanhi ng kanyang biglaang pagkamatay ngunit ayon sa paunang ulat, nagka-pneumonia raw ang aktres at nagpositibo rin sa COVID-19.

Base sa FB post ng kapatid ni Mahal, wala pang official announcement kung kailan at saan magaganap ang kanyang burol.

“Ang aming kapatid na si Mahal ay pumanaw na. Wala pa schedule sa kanyang burol due to COVID restriction,” ani Irene Tesorero.

Ikinabigla naman ng entertainment industry ang pagpanaw ni Mahal dahil kamakailan nga lamang ay  napanood pa ito sa isang vlog kung saan binisita at tinulungan pa niya ang dating katambal na si Mura.

Bumuhos naman sa social media ang mga mensahe ng pakikiramay para sa mga naulila ni Mahal. Isa na nga riyan ang kaibigan ng komedyana na si Brenda Mage.

“2years din kita nakasama sa bahay at naging Alalay mo sa mga out of town shows mo.. araw araw gabi gabi magkakasama.

“Ang tapang mo para umabot ng ganyang Edad sa kalagayan mo…Bago ka nawala nakagawa ka pa ng napakabuting gawain sa partner mong si Mura…Mahal ka ng lahat… Mahal ka namin MAHAL.

“Pahinga na aming Munting MAHAL….. NOEMI TESORERO MAY YOU REST IN PEACE,” mensahe ng stand-up comedian.

“REST IN PEACE sa isa sa mga iconic celebrity na nagpatawa sa atin mula bata pa tayo. Paalam Noeme MAHAL Tesorero,” ayon naman sa isang fan ni Mahal.

“PAALAM MAHAL Noeme Tesorero. Salamat sa friendship. Mami miss kita,” sabi naman ni Inday Garutay.

Noong Agosto 30 ay nag-post pa ang rumored boyfriend nitong si Mygz Molino ng vlog kung saan makikitang malakas na malakas pa si Mahal habang tawa nang tawa.

Marami ring netizens ang nalungkot sa balita at inalala rin ang kamakailan lang na pagbisita nito sa kaibigan at ka-loveteam noon na si Mura kung saan nagpaabot siya ng tulong para sa nahihirapang kaibigan.

Marami pa naman ang natuwa at nagnais na sana’y muli silang magkasama sa telebisyon sa pagbabalik ni Mura sa showbiz ngunit ngayon ay malabo na itong matupad dahil sa biglaan nitong paglisan.

Huling napanood ang komedyana sa Kapuso series na “Owe My Love” na pinagbidahan nina Lovi Poe at Benjamin Alves.

Taos pusong nakikiramay ang BANDERA sa pamilya at mahal sa buhay na naiwan ni Mahal.

Read more...