NAKAPAGDESISYON na ang TV host-actor na si Willie Revillame — hindi na siya tatakbo sa kahit anong posisyon sa darating na 2022 national elections.
Ibinalita ito ng komedyante at negosyante sa kanyang game show at public service program na “Wowowin” sa GMA 7 ngayong gabi (October 7, 2021).
Mahaba ang naging paliwanag ni Willie kung bakit hindi na niya itutuloy ang pagsabak sa politika kasabay ng paglalabas ng saloobin tungkol sa mga nag-aaway-away ngayong government officials.
Inamin din ng Kapuso TV host na hindi siya nakatapos ng pag-aaral at wala pa siyang sapat na kaalaman sa paggawa ng mga batas na siyang pangunahing trabaho ng isang senador.
Sabi ni Willie, “Since March, hanggang ngayon, pinag isipin ko pong mabuti. Pinag-aralan kong mabuti. Ipinagdasal ko. Marami akong mga kaibigan na kinausap. Marami akong mga taong tinatanong, nagtanong-tanong, at pinapakiramdaman. Yung management, ordinaryong tao, kasama ko sa programa, lahat. All walks of life.
“Kinausap ko yung sarili ko, kailangan ikaw ang magdesisyon sa sarili mo, hindi yung ibang tao. Hindi yung opinyon nila, dapat kausapin mo yung sarili mo kung gusto mo ba to? Kaya mo ba yan? Anong gagawin mo diyan? I we-weight mo yan,” pahayag ng TV host.
“Hindi naman ako magaling mag- English, hindi naman ako magaling, wala naman akong maiaambag at baka lait-laitin lang ako ng magagaling na senador at baka sayang lang ang boto n’yo sa akin,” ang bahagi pa ng pahayag ni Willie.
“Hindi ko pa kayang gumawa ng batas. Sa ngayon ay magpapatuloy ang ‘Wowowin’ dahil itong programa ko ay ginawa para magpasaya at magbigay pag-asa sa sambayanang Pilipino,” aniya pa.
Ipinagdiinan din ng TV host, “Hindi ko po kailangang kumandidato. Hindi ko po kailangang manalo. Ang kailangan ko ay makasama kayo.
“Dahil sa puso ko, sa isip ko, dapat laging ang mga Pilipino ang panalo,” ang sabi pa ni Willie.
“Hindi ko kakayanin na pumasok sa isang bagay na wala akong kakayahan. Napakahirap po pasukin ng politika. Kabigan mo noon kaaway mo ngayon,” pag-amin pa ng TV host.
Dagdag ng Kapuso host, dapat daw ay kalimutan na ang galit sa puso at huwag nang isipin ang paghihiganti dahil talaga raw walang mangyayari sa bansa kung ito ang palaging paiiralin.
“Im not a bright person pero ang puso ko laging may pagmamahal. Sana lahat ng politiko, hindi politiko kundi public servant (palaging pairalin ang pagmamahal),” sabi pa ni Willie.
Kaya naman pangako ni Willie sa lahat ng kanyang mga tagasuporta at sa Kapuso viewers, tuluy-tuloy pa rin ang pag-ere ng “Wowowin” at magpapatuloy ang pamimigay nila ng tulong at ayuda sa mga nangangailangang Pinoy.