Kampo ni Vhong Navarro umaasang makakapagpiyansa ang TV host-comedian

Vhong Navarro | Bandera file photo

UMAASA ang kampo ng TV host-comedian na si Vhong Navarro na makakapagpiyansa ito kaugnay sa kinakaharap na kasong rape na isinampa ng model na si Deniece Cornejo.

Sa isang panayam sa abogado ng TV host-comedian na si Atty. Alma Mallonga, sinabi nitong tapos na ang pagdinig nitong Huwebes para sa kanilang petisyon na pansamantalang makalaya ang kliyente.

“We did our best. We did everything that was necessary in our belief to show the truth and the truth is that Vhong from our perspective is entitled to bail,” saad ni Atty. Mallonga.

Hindi dumalo nang personal sa huling hearing ang “It’s Showtime” actor dahil pinayagan naman ito na um-attend na lang sa pamamagitan ng video conferencing.

Ayon rin kay Atty. Mallonga, hindi niya masabi kung maga-grant nga ba ang kanilang petisyon para makalaya pansamantala ang kliyente ngunit inamin niyang lahat naman ay ginawa nila at korte na ang may desisyon sa mangyayari.

“Uulitin ko, hindi ako makapagsabi ng maga-grant ng bail na si Mr. Vhong Navarro. Hindi ko masasabi na confident na confident kami. That is a function that the court has to perform for itself,” lahad ni Atty. Mallonga.

Dagdag pa niya, “All I can say, nagtrabaho kami nang lahat. Lahat ng katotohanan ayon sa nangyari.”

Naibahagi rin ng abogado ang pagdalo ni Deniece kasama si Atty. Howard Calleja sa huling pagdinig at isinailalim ito sa cross examination.

Kasalukuyan namang nakapiit si Vhong sa National Bureau of Investigation (NBI) detention center ngunit panatag ang abogado na nasa maayos na kalagayan ang TV host-comedian.

Ayon pa kay Atty. Mallonga, ang magiging usapin sa Lunes ay ang resolution sa pagdinig.

Magdadalawang buwan na ring nasa kustodiya ng NBI ang Kapamilya TV host matapos itong arestuhin noong Setyembre 19, ilang oras matapos ang kanyang boluntaryong pag-surrender sa NBI at pagbabayad ng piyansa para sa isa pang kasong isinampa ni Deniece na acts of lasciviousness.

Ngunit noong araw rin na ‘yon ay inilabas ang arrest warrant para sa kasong rape na non-bailable kaya naman ikinulong ang TV host sa detention center ng NBI.

Matatandaang inakusahan ni Deniece si Vhong na umano’y gumahasa sa kanya sa condo unit nito sa Taguig noong Enero 17, 2014.

Related Chika

#LabanKungLaban: Vhong Navarro, Deniece Cornejo muling maghaharap sa korte

Payo ng abogadong lolo ni Deniece sa kaso nila ni Vhong: Mag-settle na lang sila, at mag-move on…

Vhong Navarro sinampahan ng kasong rape sa Taguig, komedyante nag-react: Alam ng Panginoon na nagsasabi ako ng totoo

Read more...