PINABULAANAN ng aktres na si Antoinette Taus ang hindi mamatay-matay na balitang diumano’y sikreto siyang nanganak siya sa America.
Nag-guest kasi ang aktres sa isang cooking vlog ni Camille Prats kung saan nagluto dila ng Honey Garlic Shrimp Chow Mein.
Habang nagluluto ay nagkukuwentuhan ang dalawa patungkol sa mga naging experiences nila noon pati na ang iba pang ganap sa kanilang mga buhay.
Super happy sina Antoinette at Camille dahil finally nga ay magagawa na nila ang pagluluto together dahil noong bata pa raw sila ay hindi sila pinapayagan.
Nagkasama ang dalawa sa “Ang TV”, “Oki Doki Doc”, at sa pelikulang “Hindi Pa Tapos Ang Labada Darling”.
Isa nga sa napag-usapan nila ay ang unti-unti pag-alis ni Antoinette sa showbiz at ang paglipad nito patungong Amerika.
“Parang sabay-sabay akong mag-end ng projects noon at ang dami talagang hindi makaintindi bakit kailangan kong umalis noong time na ‘yun.
Ang dami nilang iba’t ibang mga theories and tsismis,” pagbabahagi ni Antoinette.
Aware naman ang lahat na magpasa hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang tsika na nanganak raw ito sa ibang bansa.
“Hanggang ngayon may mga tao pa ring nag-iisip na nagkaroon ako ng kids before na which there’s nothing wrong naman with that.
“My only point is [hindi siya nangyari and] kung mayroon ako, I will be proud of my children and I will share it to the world,” lahad ni Antoinette.
Tila nagulat naman si Camille at sinabing hindi lang pala isa ang chikang anak nito dahil sa sinabing “children” ng dating child star.
“Kasi eveytime na babalik ako sa States, magkakaroon na naman ako [ng anak]. Typical noong 90s. Yan ang mga theories everytime mangingibang bansa ka,” sagot ng aktres.
Buti na nga lang daw ay nag-decide silang manirahan sa ibang bansa dahil noong mga panahong ‘yun rin nalaman nina Antoinette na may malalang sakit ang kanilang ina.
“Actually what happened was right after we moved, we also found out na nagkasakit nga ‘yung mom ko ng cancer.
“So it kind of became something na buti na lang din, we did kasi we were able to be with her throughout her whole treatment. Hindi ‘yung parang we had to move during that difficult time. Nandoon na kami and we’ve got to spend the last 8 months with her,” kwento ni Antoinette.
At doon nga rin siya nagdesisyon na itigil na ang pag-aartista dahil nakakaranas na pala siya ng depression nang hindi niya namamalayan.
“Yun pa ‘yung time na I was 23 years old, akala ko I’m so strong kasi I’m moving through it. Hindi ko na-realize na what I was doing was covering up my pain with happy moments,” sabi ni Antoinette.
Mabuti na lang daw ay mayroon siyang mga kaibigan at pamilya na sumusuporta sa buong proseso ng kanyang pinagdaanan.
Related Chika:
Antoinette Taus dumanas ng matinding depresyon dahil sa pagpanaw ng ina