Classical singer na si Lara Maigue bibida sa pagkanta ng ‘Pambansang Awit’ sa SONA ni PBBM

PHOTO: Instagram/@laramaigue

NABUNYAG na kung sino ang napiling kakanta ng Pambansang Awit ng Pilipinas para sa inaabangang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos sa July 24.

Siya’y walang iba kundi ang classical opera singer na si Lara Maigue.

Kinumpirma ‘yan mismo ni House Secretary-General Reginald Velasco sa kanyang naging panayam with TeleRadyo Serbisyo.

“Ang balita namin, there will be a singer ng Pambansang Awit natin,” sey ni Velasco.

Aniya pa, “Ang pangalan niya ay Lara Maigue. Tinignan namin ‘yun sa YouTube. Very famous pala siya.”

Nauna nang sinabi ni Velasco na magiging sorpresa kung sino ang kakanta ng “Lupang Hinirang,” ngunit mabilis natukoy ng netizens ang pagkakakilanlan ng sinasabing performer kaya ito ay kinumpirma na nila.

Baka Bet Mo: Bianca Gonzalez pinuri ang Sona ni PBBM pero may patutsada pa rin; G Tongi tumalak dahil sa pabonggahan ng OOTD

Pero sino nga ba si Lara Maigue?

Para sa kaalaman ng marami, si Lara ay isang classically-trained soprano at songwriter.

Siya ay nagtapos sa University of the Philippines’ College of Music with a major in Voice.

Noong Mayo lamang ay nag-viral ang kanyang bersyon ng classic Mozart piece na “Queen of the Night” na umani ng 21 million views sa Instagram.

Bukod diyan ay nag-viral din ang kanyang video habang ka-duet ang kanyang ina na isa ring soprano singer at first classical mentor ng ating bansa na si Nanette Moscardon.

Noong nakaraang taon ay nagtanghal si Lara sa Singapore kasama ang Singapore Symphony Orchestra at ang kapatid ni Lea Salonga na si Gerard para sa “To Broadway with Love” concert.

Kinanta niya riyan ang ilang sikat na musical songs katulad ng “The Phantom of the Opera,” “Les Miserables,” “Miss Saigon” at “Funny Girl.”

Ilang beses na rin kinilala si Lara sa prestihyosong Aliw Awards.

Kabilang na riyan ang “Best Classical Performer” noong 2017, “Best Female Crossover Performer” noong 2018, at “Best Jazz Recording” noong 2019.

Kung matatandaan, ang Ilocano choir na “Samiweng Singers” ang kumanta ng “Lupang Hinirang” sa kauna-unahang SONA ni Pangulong Bongbong na naganap last year.

Related Chika:

Read more...