KUNG hindi agad naagapan, posibleng ikinamatay ng veteran actor na si Gardo Versoza ang nangyari sa kanya nitong nakaraang buwan lamang.
Nakaranas ng heart attack si Gardo kahit na nga healthy at active ang kanyang lifestyle kaya naman marami ang nag-alala para sa kanyang kalusugan.
Maaaring sobrang pagod at ang matindi niyang pagwo-workout at pagbibisikleta ang dahilan kaya siya inatake sa puso.
Kuwento ni Gardo, bago pa siya atakihin at isugod sa ospital ay nakaramdam siya ng pananakit ng likod matapos ang ilang oras na pagbibisikleta.
READ MORE: Gardo Versoza nagbebenta ng gym equipment para sa pangalawang angioplasty
“Siguro mga two or three weeks after, nagkaroon nu’ng sudden pain sa upper back. Unbearable ‘yung pain. Akala ko, pagod or kaya ngawit lang,” pahayag ng aktor sa panayam ng “Kapuso Mo, Jessica Soho.”
Hanggang sa magdesisyon na siyang magpa-checkup kung saan sumailalim siya sa ECG at Chest X-Ray, “Nakita sa ECG medyo erratic ‘yung heartbeat. Feeling ko, mukhang medyo mabigat itong kinakaharap ko.
“Na-confirm nila na dalawang arteries ‘yung barado. ‘Yung pinaka-main avenue ng heart na blood vessel niya, ‘yun ‘yung 100 percent na-block,” pagbabahagi ng aktor.
“Actually sinabi nu’ng doktor na, ‘Kung hindi ganyan ang lifestyle mo, malamang dire-diretso ka na pagkaatake,’” kuwento pa niya.
“Sabi pa niya, for my age, ‘Pinu-push mo na masyado ‘yung puso mo.’ Totoo rin nga ‘yung kasabihan na, ‘di ba, lahat ng sobra, masama,” dagdag pa niya.
Sumailalim sa angioplasty si Gardo at nakatakda uli ang isa pang heart procedure para tanggalin ang isa pang bara sa kanyang ugat ngayong buwan.
Naikuwento rin ni Gardo kay Jessica na nagbenta siya ng ilang gym equipment para pangdagdag sa gagastusin niya sa kanyang surgery.
“Hindi ko naman puwedeng iasa lahat doon sa work ko. So kailangan kong maghanap ng ibang means para di ba in a way, makatulong din ako du’n sa iba.
“Feeling ko makakatulong ako du’n sa mga gustong-gusto talagang mag-workout na di ba parang kung bibili sila sa iba mas mapapamahal. Bukod du’n, binawalan din ako ng doktor na magbuhat ng masyadong mabigat,” pahayag ng aktor.
Ayon naman sa asawa ni Gardo na si Ivy Vicencio, lakas ng loob at dasal ang naging sandalan niya noong dumadaan si Gardo sa nasabing pagsubok. Hindi raw siya pinanghinaan ng loob at talagang lumaban din siya para sa asawa.
Sa katunayan, nang gumaling si Gardo ay siya naman daw ang nagkasakit at naospital dahil sa sobrang pagod at stress.
Samantala, na-hurt daw talaga si Gardo sa kumalat na balita sa social media na namatay na siya, “Masakit sa akin para sa pamilya ko. Kasi hindi ka pa patay pinatay ka na nila.”
“Kung hindi siya nanggaling sa senaryong galing ka sa atake, puwede mong palipasin. Pero ito fresh pa.
“Galing ka sa critical stage, na-ICU ka, tapos dalawa yung ugat na barado, parang isang paa mo nasa hukay na,” ang sentimyento pa ni Gardo Versoza.