Herlene Budol inspirasyon ng mga kandidata sa Miss Grand PH 2023

Herlene Budol

Herlene Budol

SINABI ng bagong-hirang na Miss Philippines Tourism na si Herlene Nicole Budol na sulit ang pagsugal niya sa paggamit sa wikang Filipino sa pagsabak sa pageants, kung bibilangin ang lawak ng impluwensyang naidulot nito sa kabataan.

“Halos kalahati po ng candidates dito sa Miss Grand (Philippines) sinabi po nila sa akin na ako raw po ang naging inspirasyon nila para sumali rito,” sinabi niya makaraang makoronahan sa pagtatapos ng pageant na itinanghal sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City noong Hulyo 13.

“Una sa lahat, pwede na raw po palang mag-Tagalog, na akala nila dati hindi puwede. Kaya napa-proud po ako na bilang ako dahil ito na po ang umpisa na hindi po matakot ang mga Pilipino na mag-Tagalog sa kahit anong patimpalak,” pagpapatuloy ng bida ng “Magandang Dilag.”
Kinailangan ni Budol ang tulong ng isang interpreter para sa Top 15 speech round, at sa Top 10 question-and-answer portion ng pambansang patimpalak. Sinabi niyang ginawa niya ito upang basagin ang stereotype ng kung ano ang pinaniniwalaan ng marami tungkol sa isang beauty queen.

READ MORE: Pauline Amelinckx after 1st runner up finish in Miss Supranational: It is a victory

“Walang limit ang maging beauty queen, kung ikaw naman may purpose ka naman, ang adbokasiya mo, o kung anong inspirasyon ang kaya mong ibigay sa kanila. Limitless po iyon,” ibinahagi niya.

At kahit tila nabanaag sa mukha niyang malungkot siyang hindi masungkit ang pinakamalaking korona sa kumpetisyon nang tanggapin niya ang titulo niya, sinabi ni Budol na nagpapasalamat siya sa koronang nakuha. “Last year wala tayong crown. This year binigyan tayo ng crown kaya sobrang saya ko at tumatalon ako, ang puso ko. Pagod lang ako pero sobrang saya ko,” aniya.

Sumali siya sa Binibining Pilipinas pageant noong isang taon at nagtapos bilang first runner-up. Hawak pa noon ng pambansang patimpalak ang prangkisa ng Miss Grand International contest, at lantad naman siyang iyon ang inaasinta niya.

Nang mapunta ang lisensya sa ALV Pageant Circle, organizer ng Miss World Philippines pageant, para sa kumpetisyon ngayong taon, ipinagpatuloy niya ang pagtutok sa mailap na “golden crown” ng contest mula Thailand.

Ngunit napunta ang titulo bilang 2023 Miss Grand Philippines sa 19-taong-gulang na Brazilian-Filipino model na si Nikki De Moura mula Cagayan de Oro City, na kinoronahang Miss Teen Philippines noong 2019, at pumangalawa sa Asia-wide na reality competition na “Supermodel Me” noong 2021.

READ MORE: Herlene Budol ‘patay gutom’ gihapon kay wa pay nahibaw-an para mahimong maayo nga aktres ug malampuson nga beauty queen

Napunta naman ang korona bilang Reina Hispanoamericana Filipinas sa isa pang beterana, si Michelle Arceo mula Bagumbayan, Quezon City, na dalawang ulit na sumali sa Miss World Philippines pageant bago nasungkit ang titulong bilang 2021 Miss Environment Philippines na nagdala sa kanya sa 2022 Miss Environment International contest sa India kung saan siya naging first runner-up.

Tatangkain ni De Moura na maitala ang unang panalo ng Pilipinas sa Miss Grand International pageant sa Vietnam sa Oktubre, habang pangalawang panalo naman para sa bansa ang aasintahin ni Arceo sa Reina Hispanoamericana contest sa Bolivia.

At kahit pa tinanggap ni Budol ang titulo niya mula kay 2022 Miss World Philippines-Tourism Justine Felizarta na first runner-up sa 2022 Miss Tourism World contest, wala pang nakatakdang pandaigdigang kumpetisyon para sa bagong reyna sa ngayon.

READ MORE: Herlene Budol backs out from Miss Planet International after ‘traumatic experience’

Iginawad kay Budol ang titulong tinanggap din nina Glyssa Perez at Trisha Martinez sa kani-kanilang taon sa Miss World Philippines. Hindi lumaban sa anumang pandaigdigang patimpalak ang dalawang dating reyna.

Samantala, sinabi ng komedyante na ngayong tapos na ang pageant, kakain siya ng kanin sa abot ng makakaya niya sapagkat ipinagbawal ito bilang paghahanda sa swimsuit competition.

Ang 2023 Miss Grand Philippines pageant ang ikalawang hiwalay na pambansang patimpalak na pumipili sa kinatawan ng bansa para sa Miss Grand International contest. Inorganisa ng yumaong pageant mentor na si John Dela Vega ang unang edisyon noong 2014.

Read more...