SINITA ng dating sexy actress na si Ellen Adarna ang isang online publication na aniya’y nagpapakalat umano ng maling impormasyon.
Sa kanyang Instagram story ay ibinahagi ng asawa ni Derek Ramsay ang screenshot ng write up na isinulat ukol sa kanya na may headline na, “Basta i-follow lang daw siya… ELLEN MAMUMUDMOD NG TAYLOR SWIFT CONCERT TICKETS SA FANS.”
Saad ni Ellen, “The nerve of you guys to tag me with misleading captions. You guys claiming that you are ‘boses ng Pinoy’ put us Pinoys to shame. You can do better.”
READ MORE: Ellen Adarna proud maging ‘Swiftie’, mamimigay ng Taylor Swift concert tickets
“Misleading write ups are so low. Lakas n’yo maka-false advertising,” dagdag pa niya.
Sa kabila nito ay pabiro pang pinuri ni Ellen ang galing ng naturang publication sa pagpili ng kanyang larawan.
“But thank you though, at least maganda ako sa photo na pinili n’yo. Yan na lang. At least nagawa n’yo maayos mamili in that area LOL,” sabi pa niya.
Naglabas naman ng pahayag ang kampo ng tinutukoy na news outlet ng dating aktres at sinabing naiayos na nila ang kanyang inirereklamo.
“Dear Ms. Ellen Adarna, ayan na, nabago na namin ang title para maituwid lang at maunawaan ng mga gustong manalo ng Taylor Swift concert ticket na hindi ikaw ang kailangan nilang i-follow kundi ang negosyo mo na ikaw din naman ang may-ari at endorser,” paliwanag ng online publication.
Dagdag pa nito, “Tanong lang, kailan mo naman kaya babaguhin at gagawing capital letter ang simula ng “Bulgar” at “Pinoy”??? Parang nakakahiya lang kasi sa mga Pilipino na hindi natin ito naisusulat nang tama, lalo na kung makikita ito at mababasa ng mga batang anak natin, baka akalain nilang tama dahil nakikita nila sa post ng isang celebrity at social media influencer na tulad mo?”
READ MORE: Ellen Adarna slams netizen on money and happiness comment
“But thank you though for calling us out, dahil mahalaga sa amin ang aming kredibilidad. ‘Yan na lang, at least, naituwid namin ang aming inihahatid na balita para sa mga taong patuloy na nagtitiwala at tumatangkilik sa amin,” sabi pa.
Hirit naman ni Ellen, dapat raw ay pagpahingahin ng media outlet ang mga manunulat para maiwasan ang pagiging “sabaw.”
Bukod pa rito ay iginiit rin ng dating aktres na hindi grammar ang problema bagkus ang mga “mistakes” na inihahayag nito.
Napa-throwback rin si Ellen sa unang balita na iniulat raw ng media outlet ukol sa kanyang pamilya.
Base kasi sa inilabas ng report ng nabanggit na publikasyon, hindi raw ipinapagamit ng dating aktres ang apelyido ni John Lloyd Cruz, ama ng kanyang anak, sa wedding invitation nila ni Derek Ramsay.
Ayon kay Ellen, wala itong katotohanan at inilagay pa ang larawan ng imbitasyon kung saan makikita ang buong pangalan ni Elias.
“My first encounter with @bulgar_online just a reminder sa mga nagtitiwala at tumatanglilik sa inyo,” giit pa niya.
Nakipag-ugnayan na ang BANDERA sa nasabing online publication para sa kanilang official statement, agad namin itong ilalabas kapag natanggap na namin ang kanilang paliwanag.