Elijah Canlas napakasakit ng pagluha nang ilibing ang kapatid: ‘Sobrang tagal po niyang lumaban at ilang beses po namin siyang naligtas’

Elijah Canlas

Elijah Canlas at JM Canlas

NAPAKASAKIT ng pag-iyak ng young actor na si Elijah Canlas nang ilibing na ang namayapang kapatid na si Jamile Matthew “JM” Canlas last Sunday, August 6, 2023.

Sumakabilang-buhay si JM sa edad na 17 nitong nagdaang Huwebes, August 3. Napanood ang binata sa mga pelikulang “Kiko Boksingero” at “ANi” at sa TV series na “Unconditional.”

READ: JM Canlas pumanaw sa edad na 17

Sa napanood naming TikTok video na ipinost ng netizen na si Paul Chester, makikita si Elijah na nagbibigay ng kanyang mensahe bago ilagak ang abo ng labi ng kanyang kapatid sa isang columbarium.

Sa kanyang message, sinabi nga ni Elijah na matinding laban ang hinarap ni JM kontra depression bago ito namatay.
“Magandang hapon po sa inyo, maraming salamat po ulit sa pagpunta dito at sa pagsama po sa amin, sa pakikiramay, maraming salamat po.

“Alam kong marami pong tanong, marami po tayong tanong kung bakit, kung paano, kung ano. Pero gusto ko lang po ipaalam na he’s been battling with this for a while now and he fought a good fight,” simulang pahayag ng boyfriend ng aktres na si Miles Ocampo.

Pagpapatuloy pa niya, “Malakas po si JM. Hanggang ngayon malakas po siya, napakalakas na bata.

“Ako din po dumaan sa depresyon, nandiyan po siya para sa akin. He’s always there to make me laugh, he’s always there to cheer me up.

“Sabi nga po ni Daddy kanina, nakilala natin siya bilang masayahin, makulit, may facade na ewan. Pero mabigat na po talaga yung kinakarga niya.

“Kaya kahit siya na po mismo nagsabi na, he would like all of us to find solace in the fact that he’s in peace right now. Kaya magpasalamat po tayo doon. Ipagdasal po natin si JM,” ang pakiusap pa ni Elijah sa mga taong nakiramay sa kanilang pamilya habang patuloy na lumuluha.

Sa isang bahagi pa ng mensahe ng binata, ipinagdiinan niya ang kahalagahan ng mental health awareness.
“Alam ko rin po na marami ngang hindi naniniwala, maraming kumukuwestiyon kung ano po ba ang mental health. Kung totoo ba yan na pinapagpag lang yan, mag-joke lang or whatever, o itawa mo lang yan. Hindi po siya ganu’n kasimple.

“Ako na po ang nagsasabi, matagal nga pong lumaban itong si JM. Sobrang tagal po niya lumaban at ilang beses po namin siyang naligtas.

“We got to talk about it, we were there for him, we would call, he would knock our doors, talk to his friends,” pahayag pa ni Elijah.

Dagdag pang pagbabahagi ng aktor, “Kaya hinihiling ko rin po na huwag po nating maliitin yung sakit na ito. I-check po natin yung isa’t isa, no matter what age, no matter what o kung ano man yan.
“I-check po natin ang isa’t isa at maging mabuti po tayo sa isa’t isa.

“Si JM, ayaw po niya na napagsasabihan, e, very short po yung patience niya. Ayaw po niya napagsasabihan, ayaw po niya ng away.

“Gusto po niya lagi na masaya. Kaya gusto rin po naming i-celebrate yung buhay niya. I-celebrate po natin yung buhay niya, ipagdasal po natin siya,” pakiusap pa niya.

“Alam ko pong masaya siya na nandito tayong lahat,” dugtong pa ni Elijah na agad lumapit at yumakap sa kanyang ama sabay hagulgol.

* * *

Para sa lahat ng taong nangangailangan ng kausap at tulong tungkol sa mental health issues, tumawag lamang sa National Center for Mental Health Crisis Hotline: 1553, Landline (02) 7-989-8727 at cellphone number 0966-351-4518.

Read more...