“TULOY ang laban, walang aregluhan.” Mukhang yan ang nais sabihin ng kampo ng Kapamilya teen star na si Awra Briguela hinggil sa kinasasangkutan niyang mga kaso.
Ito’y matapos magsampa ng kontra-demanda si Awra laban kay Mark Christian Ravana sa Makati City Prosecutor’s Office kahapon, August 30.
Nagharap ang dalawa sa preliminary investigation kaugnay sa mga reklamong light threats, grave coercion at paglabag sa Safe Spaces Act na isinampa ni Ravana kay Awra dahil sa naganap na kaguluhan sa Bolthole Bar sa Barangay Poblacion, Makati noong Hunyo.
Preliminary investigation
Itutuloy ngayong araw ang preliminary investigation ng mga reklamo ni Ravana dahil hindi nakarating ang witness ng kampo ng kalaban.
Naghain naman si Awra ng mga kasong violation sa anti-wire tapping law, slight physical injury at paglabag sa safe spaces act laban kay Ravana at isa pa nitong kasamahan kay Makati City Assistant Prosecutor Larry Cabero.
Kasama ng youngstar ang kanyang legal counsel na si Atty. Mikaelo Jaime Reyes nang maghain ng kaso.
Aniya, isa sa mga ebidensiya nila ay ang ipinost na video ng grupo ni Ravana sa social media kung saan kinunan si Briguela habang nakakulong sa presinto.
Malakas ang kaso
Samantala, ayon sa kampo ng lalaking pinagtripan umano ni Awra, naniniwala silang malakas ang kaso nila laban dito.
Bukod sa tatlong nabanggit na reklamo, nahaharap din si Awra sa mga asuntong slight physical injuries at simple disobedience to a person in authority.
Pansamantalang nakalaya si Awra noong July 1, mula sa Makati Custodial Jail, matapos magpiyansa ng P6,000.
Kamakailan lamang ay nangako naman ang kanyang talent manager na si Vice Ganda na hinding-hindi niya iiwan sa laban ang teen star sa kabila ng mga kinakaharap nitong kaso.
RELATED STORIES
Awra Briguela arrested, detained after brawl outside Makati bar
Awra Briguela returns to social media after brawl incident