MARAMI pala ang hindi sang-ayon sa binabalak ng Phenomenal Star na si Vice Ganda sa plano niyang magkaroon ng sariling anak sa pamamagitan ng siyensiya.
Mismong ang TV host-comedian ang nagsabi na may mga kaibigan at kakilala siya na parang nagdadalawang-isip na hikayatin pa siya na “gumawa” ng bata through surrogacy.
Sa mga hindi pa masyadong aware, ang surrogacy ay isang legal agreement kung saan pumapayag ang isang babae na maging surrogate mother sa donor na magiging magulang ng sanggol matapos ipanganak. Pwede itong gawin sa ibang bansa.
Ayon kay Vice, tuloy pa rin ang balak niya na magkaroon ng sariling anak na aalagaan at palalakihin nila ng kanyang partner na si Ion Perez.
“Gusto ko na talaga, ‘yung panahon lang ang kalaban ko. Nahihirapan ako maghanap ng panahon. Mahabang proseso kasi siya. Kailangan ko talagang maglaan ng panahon,” ang pahayag ni Vice sa panayam ng “Magandang Buhay” kahapon, May 30.
Kasama ng komedyante sa nasabing morning talk show ang kanyang inang si Rosario, pati na ang kapatid na si Marivic at pamangkin na si Camille.
“Excited na hindi excited kasi ang tanda na niya, eh. Matanda na ‘yung anak ko,” ang reaksyon naman ng nanay ni Vice sa plano niyang magka-baby.
Sagot ni Vice, “Sinasabi niya palagi yon. Actually hindi lang siya. Marami akong kakilala, ‘ngayon pa ba ang tanda mo na?’ Actually kaya ako tumagal nang tumagal dahil sa ganyang komento.”
Sey naman ni Gng. Rosario, “Kasi baka hindi ko na maalagaan, anak. Tulad ng mga apo ko na nung bumalik ako eh hindi ko na naranasan magpalit ng diaper, hindi ko naranasan na magpaligo, which I regret talaga.
“Pero I have to choose kung ano ang dapat kong unahin. Eh ngayon baka hindi ko na kaya mag-alaga,” katwiran ng ina ng Unkabogable Star.
Pero hirit na sagot ni Vice sa kanyang nanay, “Unang-una hindi naman ako mag-aanak para may alagaan ka mother.”
Sa panayam ni Isko Moreno kay Vice, ilang buwan na ngayon ang nakararaan, sinabi rin niyang gusto na niyang magkaana sa pamamagitan ng surrogacy.
“I was planning to do it. Parang nagpunta ako ng Amerika, tapos alam ko na kung saan pupuntang doktor. Pero I didn’t have the luxury of time to pursue kasi andami kong ginagawa.
“Kailangan ko mag-allot ng oras at mag-devote ng oras, at tanggapin yung kailangan kong i-set aside itong showbiz, itong Showtime, para matutukan ko yun,” aniya pa.
Noon ay ayaw talaga niyang magkaroon ng sariling anak, “Ayoko kasing i-subject yung magiging anak ko sa social injustices, sa discrimination.
“Di ba, kahit ano yung gawin natin, iba yung tingin ng mga tao pag yung tatay niya bakla. Naawa ako sa bata. Ayoko siyang ilagay sa sitwasyon na kailangan niyang magpaliwanag kung bakit ganu’n yung tatay niya.
“Until I met Ion. Tapos na-build yung relationship namin. Sabi ko, kayang-kaya naming magka-baby. Tapos sabi ko, gusto ko na siyang buuin talaga, tapos bigla na lang, instantly, ‘Ay, gusto ko na ring magka-baby na.’
“Wala na akong pakialam kung anong sasabihin nila. Ang mahalaga na lang, ibi-build ko yung personality ng magiging anak ko, yung character niya,” paliwanag ni Vice Ganda.
RELATED STORIES
LOOK: Vice Ganda’s blanket dress, towel in photo shoot draw hilarious reactions