ILAN sa mga pinakamatagal na artista sa mundo ng showbiz industry ay ang batikang aktres na si Carmina Villaroel-Legaspi at ang tinaguriang Diamond Star na si Maricel Soriano.
Sa latest YouTube vlog ni Maricel ay naka-collaborate nga niya ang isa sa mga anak niya sa showbiz na si Carmina at sabay nilang ibinahagi ang ilan sa mga memorable moments sa mga pinagsamahan nilang proyekto.
Una na riyan ang kauna-unahang pelikula ni Carmina na “Pinulot Ka Lang Sa Lupa” kung saan ang ginampanan niya ay bilang batang Maricel.
“Trivia ‘to sa mga hindi pa nakakaalam, ang first movie ko ever ay ‘Pinulot Ka Lang Sa Lupa’ at ako po ay ang young Maricel Soriano. Siyempre ‘nung mga panahon na ‘yun, baby pa ako ‘nun. So ano ako ‘nun talent, talentkumbaga ‘extra’ ang tawag noon,” pagbanggit ni Carmina.
Hindi man daw niya naka-eksena mismo ang Diamond Star, pero tila nagpaka-fan girl mode daw siya ‘nung una niyang masilayan sa personal ang pag-akting nito.
Chika ng aktres, “May mga scenes [ikaw] na kinunan that day kung kailan ako [tinawagan] tapos tinitingnan lang kita from afar. Sabi ko, ‘Ay, ayun pala si Maricel Soriano!’, ganun.”
Inalala din ng dalawa ang ikalawang pagsasama nila kung saan ay gumanap silang magkapatid sa pelikulang “Babaeng Hampaslupa.”
Dito na ibinunyag ni Carmina na si Maricel lang ang nakapagpaiyak sa kanya sa taping.
“May eksena kami na kailangan kong umiyak. Eh ngayon, hindi ako maiyak,” kwento ni Carmina.
Paliwanag naman ni Maricel, “Hindi kasi siya basta-basta na napapaiyak, ‘yung ang totoo doon.”
“Kailangang maramdaman talaga ni Mina ‘yung [emosyon] bago mo siya mapaiyak, ganun talaga itong batang ‘to noon pa,” ani pa ng batikang aktres.
Chika pa ni Carmina habang kinakausap si Maricel, “So ngayon ‘yung nanay ko lumapit sa kanya, kinausap siya. Ano sabi sa’yo ni mommy?”
Sagot sa kanya ng Diamond Star habang natatawa, “‘Nako Maricel, ikaw lang ang nagpaiyak sa anak ko’, pero kasi ang sabi ko sayo bago mag-rolling, ‘umiyak ka ah!’ (habang pinagdidilatan ng mga mata at nanggigil).”
Singit naman ni Carmina, “So ako naman, [umiyak]. Siyempre nakakatakot siya ‘diba.”
Pagsang-ayon ni Maricel, “Oo natakot. Umiyak sa takot ang bata. Natatawa ako kapag naaalala ko ‘yun.”
Pagbabahagi naman ni Carmina, “Pero siyempre kapag binabalikan ko ‘yun, natakot talaga ako sa kanya kasi siyempre Maricel Soriano at the same time ang ano [bansag] sa kanya, ‘Taray Queen.”
“Pero hindi. Sobra po siyang bait. Talagang pag nakilala niyo, napakabait,” ani pa ng aktres.
Dagdag pa niya, “Very thankful ako kasi at least nagawa ko ‘yung eksena.”
Bukod diyan ay nabanggit din nila na nagsama rin sila sa “Maricel Drama Special” at ang naaalala roon ni Carmina ay ‘yung nasampal siya nang matindi ni Maricel.
“Alam mo, hindi ko na maalala ko anong episode o anong role ko doon, pero ang natatandaan ko lang, masakit kang manampal,” sey ni Carmina.
Saad pa niya, “Ito ‘yung sinasabi nilang small but terrible. Pero hindi ko naman inaano ‘yun kasi ang ibig sabihin ‘nun ay dalang-dala ka sa emotions.”
“Eh kasi naman damang-dama ko ‘yung eksena ‘diba,” paliwanag naman ni Maricel.
Mahigit tatlong dekada na sa showbiz si Carmina, habang si Marciel naman ay tumagal na ng 52 years.
Taong 1986 nagsimulang makilala si Carmina matapos siyang mapasama sa isang fast food commercial.
Si Maricel naman ay nag-umpisa bilang child star noong 1971 at mula diyan ay sunod-sunod na ang kanyang naging proyekto hanggang sa binansagang Diamond Star.
RELATED STORIES
2 hugot ni Carmina tungkol sa isyu ng ‘tiwala’ at mga ‘kontrabida na pa-victim’ may pinatatamaan ba?