Life! Showbitz

Rendon Labador nagulat kay Cristy Fermin: Akala ko patay na ‘to

Rendon Labador

Rendon Labador, Cristy Fermin

NABIGLA ang motivational speaker na si Rendon Labador matapos siyang sitahin ng showbiz columnist na si Cristy Fermin sa kanyang madalas na pakikisawsaw sa isyu.

Sa kanyang show na “Cristy Ferminute” ay pinatutsadahan niya ang isang lalaki na panay raw ang pangingialam sa mga artista.

Kahit na hindi niya ito pangalanan ay alam naman ng nakararami na ang kanyang tinutukoy ay si Rendon.

“Lahat na lang inaaway niya… Ikaw talaga mahilig kang makisawsaw. Mahilig kang makiangkas. Mahilig kang maggagawa ng kuwento kahit wala namang basehan,” saad ni Cristy.

Nag-react naman si Rendon ukol sa pahayag sa kanya ng kolumnista at sinabing nabigla siya rito.

Sa pamamagitan ng Instagram story ay ibinahagi niya ang isang artcard kung saan makikita ang pahayag ng kolumnista laban sa kanya.

“Akala ko multo amp! Buhay pa pala yan?” saad ni Rendon.

Dagdag pa niya, “Napamura ako, sorry! Goosebumps ako [rito]. Akala ko talaga patay na to, tumayo balahibo ko sa kamay. Legit ba to???”

Sey pa ni Rendon, matapang raw siya pero iba raw kapag “multo” ang kalaban.

“Matapang tayo pero kapag multo na kalaban mo eh ibang usapan na yan [emoji] Kinabahan ako amp,” ayon sa motivational speaker.

Matatandaang nag-ugat ang pahayag ni Cristy matapos mag-trending si Rendon mula sa kanyang pangangalampag sa MTRCB ukol sa diumano’y ginawang “kabastusan” nina Vice Ganda at Ion Perez sa Isip Bata segment ng “It’s Showtime”.

Matapos nito ay pinansin naman niya ang halikan at lambingan na ginawa nina Tito Sotto at Helen Gamboa sa isang episode ng “E.A.T.” kung saan ipinagdiwang nila ang ika-44th anniversary ng “Eat Bulaga”.

READ MORE: Rendon Labador gi banatan sa mga fans ni Andrea Brillantes: ‘Dili ka motivational speaker, pakialamero lang gyud ka’

TAGS: entertainment, showbiz
Latest Stories
Most Read