BENTANG-BENTA sa madlang pipol ang mga pampa-good vibes na memes nina Miss Universe 1969 Gloria Diaz at Olympic gold medalist na si Hidilyn Diaz.
Ikinonek kasi ng mga netizens sa veteran actress at dating beauty queen ang makasaysayang pagkapanalo ni Hidilyn sa Tokyo 2022 Olympic Games bilang Filipino athlete na nakapabigay ng kauna-unahang gintong medalya sa bansa.
Itinanghal na kampeon si Hidilyn matapos humataw sa women’s 55 kgs weightlifting division sa ginaganap na 2020 Olympics sa Tokyo, Japan.
Bukod sa isa ring historymaker si Gloria bilang first ever Filipina Miss Universe na kinoronahan noong 1969, mukhang may dala rin daw suwerte ang apelyido nilang Diaz.
At dahil nga rito, sandamakmak na memes at mga paandar na post sa social media ang ginawa ng netizens gamit ang mga litrato ng winning moments nina Gloria at Hidilyn.
Hindi naman daw inakala ng dating beauty queen na magba-viral ang post niya kung saan binati nga niya si Hidilyn sa pagkapanalo nito sa 2020 Olympics.
“Congratulations HIDILYN !! The Filipinos are soooo proud of you (face with hearts emojis) lalo na AKO! (Clapping hands and Philippine flags emojis),” aniya sa caption ng litrato ng tinaguriang “weightlifting fairy” ng Pilipinas.
Kasunod nga nito, ni-repost na ng mga pageant vlogs ang kanyang post na nagresulta nga sa sandamakmak na memes, kabilang na ang magkatabing litrato nila ni Hidilyn na parehong “record holders” ng Pilipinas. May caption itong, “In DIAZ we trust!”
Aliw na aliw naman dito ang aktres kaya ni-repost niya ito sa kanyang Instagram Story. Ibinahagi rin niya sa IG ang isang screenshot na may nakasulat na, “The first Miss Universe of the PH is Gloria DIAZ. The first Olympic Gold Medalist of PH is Hidilyn DIAZ. Buenas DIAZ, Pilipinas!”
Pinatungan naman ito ni Gloria ng mensaheng, “I am the LANGAW na nakatungtong sa kalabaw! (smiling face with hearts emojis) congrats HIDILYN!”
Bukod dito, ibinahagi rin ng veteran actress ang glammed-up photo ni Hidilyn at nilagyan ng caption na, “This is our champ Hildilyn ! CONGRATULATIONS CHAMP!!! This is how our champion looks, when not working out (thumbs up emoji).”
Samantala, napasama rin sa mga nakakalokang memes ang talent manager at vlogger na si Ogie Diaz, kabilang na riyan ang isang litrato kung saan ipinatong ang mukha ng komedyante sa photo ni Hidilyn habang nag-aangat ng barbell.
Reaksyon ni Ogie rito, “Di ko kinakaya ang husay ng mga Pilipino sa paggawa ng ‘kalokohan’ makalimutan man lang pansumandali yung mga di magandang balita at nangyayari sa paligid.”