Showbitz

Julia bagong leading lady ni Coco sa ika-6 anibersaryo ng ‘Ang Probinsyano’

CONFIRMED! Si Julia Montes na nga ang magiging bagong leading lady ni Coco Martin sa Kapamilya series na “FPJ’s Ang Probinsyano.”

Mangyayari na ang pinakahihintay na balik-tambalan sa telebisyon dahil mapapanood na si Julia sa “Ang Probinsyano” bilang bagong love interest ni Coco para sa ikaanim na taon ng longest-running action-drama series sa bansa.

Kinumpirma ng Dreamscape Entertainment ang pagpasok ni Julia sa serye nang ilabas nito sa social media ang mga litrato ng aktres sa story conference at pictorial ng “FPJ’s Ang Probinsyano” na ginanap ngayong Biyernes sa ABS-CBN.

Ito ang magsisilbing TV reunion project nina Julia at Coco pagkatapos ng ilang taong panawagan ng fans na pagtambalin silang muli kasunod ng phenomenal TV drama na “Walang Hanggan” noong 2012.

Bukod kay Julia, papasok din sa “FPJ’s Ang Probinsyano” ang mga bagong karakter nina Tommy Abuel, Rosanna Roces, Vangie Labalan, Michael Flores, Chai Fonacier, Marela Torre, Elora Españo, at Joseph Marco.

Sa ikaanim na taon ng serye ngayong Setyembre, dadaan sa mas matitinding pagsubok si Cardo (Coco) at ang Task Force Agila sa patuloy na pakikipaglaban nila para sa bayan.

Nananatiling matibay ang pagsasama ng “FPJ’s Ang Probinsyano” at mga Pilipino, mula sa pangunguna nito sa telebisyon hanggang sa online.

Patuloy na kinakapitan ang saya, aksyon, at mahahalagang aral ni Cardo sa Kapamilya Online Live sa Facebook at YouTube, kung saan sunod-sunod na sinira ng programa ang sarili nitong record ng pinakamaraming viewers na sabay-sabay na nanonoood. Noong 2020, ang “FPJ’s Ang Probinsyano” rin ang naging kauna-unahang Pinoy teleserye na ni-livestream sa naturang video-streaming site.

Patuloy ring pinapanood ang pakikipagsapalaran ni Cardo hindi lang sa Pilipinas kundi pati sa buong mundo sa pamamagitian ng The Filipino Channel, Netflix, at pagpapalabas sa Myanmar, Laos, Vietnam, Thailand, at 41 bansa sa Africa.

Ano ang magiging papel ni Julia sa “FPJ’s Ang Probinsyano”? Huwag palampasin ang pambansang teleserye gabi-gabi sa Kapamilya Channel.

TAGS: Coco Martin, Julia Montes
Latest Stories
Most Read