Celebrities

Ivana dumaan din sa matinding hirap: May time na wala akong raket kasi pangit ako…

NARANASAN din ng Kapamilya sexy actress na si Ivana Alawi ang rumaket nang bonggang-bongga noon para mabuhay ang kanyang pamilya.

Kung anu-anong trabaho ang pinasok noon ng dalaga bilang breadwinner ng kanilang family kaya naman bata pa lang ay natuto na talaga siyang magpahalaga sa pera at sa maliliit na blessings sa dumarating sa kanya.

Sa latest vlog ni Ivana sa YouTube nagkaroon sila ng seryosong pag-uusap ng kanyang mga kapatid na sina Mona at Hash Alawi tungkol sa personal nilang buhay.

Dito nga nabanggit ng actress-vlogger na talagang isinapuso na niya ang pagiging breadwinner ng pamilya kaya handa raw siyang gawin ang lahat para sa kanyang ina at mga kapatid.

Sa isang bahagi ng video, tinanong ni Mona ang kanyang ate ng, “Bakit ka nag-decide na suportahan mo yung buong family kahit ang young mo pa? Tapos hindi mo naman yun responsibility.”

“Girl. I want to,” agad na sagot ni Ivana kasabay ng pag-amin na talagang nais niyang kumita ng pera at makapag-ipon kaya naman talagang kinarir niya ang pagraket.

Aniya, nasubukan din niya ang mamigay ng flyers sa mga dinadaluhang events noon at hindi raw niya ito ikinakahiya dahil alam niyang wala naman siyang ginagawang masama.

“Ako kasi yung tao na ever since lagi ko iniisip yung buong pamilya. Natural na sa akin.

“Nu’ng nawala yung aming tatay, nu’ng hindi kami sinusuportahan, nagpa-flyering ako, nagraraket para makatulong din sa pamilya.

“Dumating din yung time na wala akong naging raket kasi pangit ako,” chika ni Ivana.

Agad namang nag-react si Mona sa sinabi ng kapatid, “Uy, hindi totoo ‘yan. My ate is beautiful.”

Ayon sa sexy actress, maraming pagkakataon na nare-reject din siya sa trabaho, “Uy, naging chaka (ako). Gusto nila matatangkad. So, hindi ako pumapasa.

“And in fairness kay Mona, si Mona ang tumulong sa pamilya. Tapos nagpahinga din siya sa showbiz. So siyempre, hindi naman pwede si Mona lang,” paliwanag pa ni Ivana.

Ilang taon ding nagtrabaho sa GMA si Mona bilang child star. Ilan sa mga pinagbidahan niyang Kapuso teleserye noon ay ang “Munting Heredera” (2011-2012) at “Bukod Kang Pinagpala” (2013).

Ayon naman sa kapatid nilang lalaki na si Hash, “If any one of us finds that much success, automatically each one will help each other.”

Umayon naman dito ang kanyang ate, “Kasi ganu’n kami pinalaki. Hindi kami pinalaki na maging makasarili. I’ll always be here for you, guys.”

Comment naman ni Mona, “We think as a family. Kaya I really look up to ate.”

Kung matatandaan, naikuwento ni Ivana sa isang panayam na bata pa lang siya ay naghiwalay na ang kanyang parents. Matapos ang love story ng nanay niyang si Fatima Marbella at ng ama niyang Morrocan na si Samier Al-Alawi ay nagdesisyon silang mag-ina na bumalik na sa Pilipinas.

Pahayag ng dalaga, matindi rin ang pinagdaanan nilang hirap noon, “Akala ng iba hindi ako dumaan sa hirap, hindi ako dumaan sa times na wala kaming makain.

“Dumaan din ako du’n way, way back, pagdating ko sa Pilipinas. Yung mama ko laging nangungutang kasi wala kami makain.

“Dumating kami sa point na toyo at saka kanin kasi wala na siya mautangan. And I’m thankful kasi isa siyang stepping stone, e. Yun ang nagpu-push sa akin,” pahayag ng aktres at vlogger.

Noong mamatay ang tatay niya, ipinamana nito sa kanya ang mga ari-ariang naipundar sa Bahrain, kabilang na ang napakaganda nitong bahay.

TAGS: family, Ivana Alawi, latest vlog, sexy actress
Latest Stories
Most Read

Subscribe to our regional newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and
acknowledge that I have read the Privacy Policy.