HUMINGI ng tawad ang TV host-comedian na si Wally Bayola ukol sa kanyang pagmumura habang live na umeera ang noontime program na “E.A.T.” kahapon, August 10.
Ngayong araw, August 11, bago ang pagbibigay ng papremyo sa segment na “Sugod Bahay Mga Kapatid” ay nag-public apology ang komedyante.
In-open muna ni Jose Manalo, co-host ni Wally sa naturang segment, ang kontrobersiyang kinakaharap ng kaibigan.
“Bago tayo magbigay ng papremyo sa mga dabarkads natin dito. Para ipagpatuloy natin ‘yung mga programa natin na inilalaan sa ating mga nasasakupan, may mahalagang bagay lamang akong sasabihin sa inyo,” umpisa ni Jose.
Kuwento niya, marami raw siyang narinig, nabasa online, at marami ring tumawag sa kanya ukol sa rinig na rinig na pagmumura ni Wally kahit na hindi ito kita sa screen.
“Mayroon po tayong ganitong bagay bagama’t hindi naman po namin ito sinasadya pero kinakailangan po natin itong ayusin. Kaya naman nandito po kami ngayon para ituwid po natin ‘yung nagawang hindi nagustuhan o narinig ng bawat isa sa atin kaya dapat po tayo nakikinig at hindi lang ‘yan, nagpapakumbaba po, ‘yan ang pinakaimportante,” lahad pa ni Jose.
Baka Bet Mo: Wally Bayola malutong na nagmura sa national TV, ‘E.A.T.’, ipinatawag ng MTRCB
“‘Yung kasama nating ‘dabarguard,’ nakapagsalita na hindi rin naman niya ito sinasadya kaya aayusin po natin ito. Kailangan po kasi natin ayusin ‘yung mga ganitong bagay. Hindi po natin puwede palagpasin kasi ‘di po natin dapat konsintihin kung sinasadya o hindi man. Kailangan po natin ayusin ito,” dagdag pa ni Jose.
Dito na nga nagsalita si Wally upang i-address ang isyu ng kanyang ginawang pagmumura.
“Ako po ay may nabitawang salita na hindi ko po dapat sinasabi. Nagkamali po ako doon.
“Ako po ay humihingi ng inyong paumanhin at pag-unawa ninyong lahat. Pasensya na po, pasensya na po sa lahat,” saad ni Wally.
Nangako naman si Jose sa mga viewers na hindi na mauulit ang mga nangyari.
Nagpasalamat naman si Bossing Vic kina Wally at Jose sa ginawang paghingi ng dispensa ng mga ito sa publiko.
“Ang mahalaga kapag alam nating nagkamali, dapat itinatama natin. Ganoon lang,” sey ni Vic.
Ngunit sa kabila ng public apology ni Wally ay naglabas pa rin ng pahayag ang MTRCB at ipinatatawag ang “E.A.T” sa kanilang opisina sa darating na Lunes, August 14.
Ayon kasi sa MTRCB ay nilabag nila ang Section 2 (B), Chapter IV of the Implementing Rules and Regulations of Presidential Decree No. 1986 (PD No. 1986).
“Ipinaalala ng MTRCB na anumang paglabag sa PD No. 1986 at sa mga Patakaran at Regulasyon nito na namamahala sa mga pelikula, mga programa sa telebisyon, at kaugnay na promotional materials nito ay parurusahan ng suspensyon o kanselasyon ng mga permiso at/o lisensya na inisyu ng Board at/o ng pagpapataw ng multa, at iba pang uri ng administratibong parusa,” bahagi ng official statement na inilabas ng ahensya.
Related Chika:
Jose Manalo, Wally Bayola pinaglaruan sa noontime show ng TVJ: ‘Jurassic’ siya at hindi nakakatawa