“HINDI na Marcos apologist,” ito ang saad ng beteranang aktres na si Elizabeth Oropesa matapos kuyugin ng netizens dahil sa kanyang nag-viral ang video ng kanyang panawagan kay Pangulong Bongbong Marcos.
Sa kanyang Facebook page ay ibinahagi niya ang kanyang saloobin ukol sa talamak na pamba-bash na kanyang natanggap nang mag-post siya ng video kung saan umiiyak siya habang nakikiusap sa isang “sir” na pinaniniwalaang tumutukoy sa kasalukuyang presidente.
“Sad. Kapwa Loyalist na sa Social Media lang nakipaglaban ang tatapang mang bash. Ang babaw ninyo kung akala ninyo umiyak ako dahil hindi ako nabigyan ng posisyon,” pagbabahagi ni Elizabeth.
Dagdag pa ni La Oro, “37yrs po ako lumaban. Never nagisip na may kapalit. Ang laban po nun harapan. Patay Kung patay. Umuuwi kaming duguan. Nagtatago. May dalang baril at granada sa bag. Sawang Sawa sa sardines na halos araw araw ulam naming nasa kalsada or nakikitira. Umasa lamang ang mga Loyalist nun mga nag do donate ng pagkain.”
Ikinuwento rin ni Elizabeth ang kanyang mga karanasan sa diumano’y pakikipaglaban raw nila noon.
“Dinukot ako. Sinugatan ng blade ang mga paa ko. Marami pang nangyari na hindi ko na kailangan ikwento. May mga kaso at mga utang. Nakatakas ako at [tumira] sa Ibang bansa. 10 taon hindi makauwi.
“Namatay na ang dalawa Kong kasamang mga kaibigan. Ngayon nyo sabihin sa akin na wala akong karapatang umiyak!!”
Ani Elizabeth, kilala naman daw niya ang mga ito ngunit ang hiling lang niya ay sana’t mabigyan sila ng oras at larawan na may kalakip na dedication.
View this post on Instagram
“Konting oras Lang ang aming hiling. May oras sya sa Iba. Bakit sa amin wala? Ano ang dahilan? Masama bang umasa na Sana makahingi ng photo na may dedication? Masama bang mangarap na maimbitahan katulad ng mga dating umaalipusta sa kanila syang nakapaligid sa kanya ngayon? Sya ang gusto naming makaharap. Masama ba Yun?!!”
“Hayaan nyo na ang hinanakit ko. Sa dami ng pinag daanan ko, Respeto kung totoong Loyalist kayo. Ang mambastos ay taga kabilang bakod na gustong gustong may nag away. Or.. mga bayarang taga pag tangol,” hirit pa ni Elizabeth.
Sa hiwalay na Facebook post ay tila isang open letter sa tinatawag niyang “Sir” na tila tinutukoy ang pangulo.
“Kinatay na ang pagkatao ko ng mga kapwa ko Loyalist ‘kuno’ dahil lang sa pag tawag ko ng pansin mo. Magalang po ako.Galing sa puso ang pakiusap at pag tatanong ko,” lahad ni Elizabeth.
Ngunit aniya, hindi raw ito ang nakita ng mga tao at bagkus, pambabatikos ang kanyang napala.
“Hindi ako takot sa kanila. Matapang lang sa Social Media. Mga duwag naman sa personal at walang kwentang tao. Sa tingin ninyo totoo ninyo silang kakampi?” tanong pa ni Elizabeth.
Ayon pa kay La Oro, siya raw ang palaging nauuna sa pagtatanggol sa kanilang ama at buong pamilya na sinusundan lang ng iba.
Giit pa ni Elizabeth, “Ang loyalty po ng katulad ko ay HINDI NABIBILI.
“Hayaan nyo po. Husto na ako. Hindi naman kayo [Diyos]. Hindi nakasalalay sa inyo ang kaluluwa ko.”
Sa huli ay sinabi niyang patuloy pa rin siyang gumagalang sa nakaupo ngunit hindi na siya isang apologist.
“Gumagalang parin, Hindi na Marcos Loyalist, Elizabeth Oropesa.”
RELATED STORIES
Elizabeth Oropesa umiiyak na nanawagan kay Bongbong Marcos: ‘Hindi mo kami kaaway, kakampi mo kami’