DIRETSHAHAN nang sinagot ng comedienne-actress na si Pokwang ang tanong ng maraming Marites kung bakit kailangan pang humantong sa pagsampa ng deportation ang isyu sa pagitan ng dating partner na si Lee O’Brian.
Kung maaalala, noong nakaraang araw lamang ay naging top trending topic sa social media ang pagpunta ni Pokie sa tanggapan ng Bureau of Immigration (BI) sa Maynila kasama ang kanyang abogado na si Ralph Calinisan.
Ipinost pa nga ng komedyana sa kanyang Instagram account ang ilang litrato habang isina-submit nila ang mga kaukulang dokumento para sa isinampa niyang petisyon sa BI.
Anyway, nagkaroon ng interview si Pokwang sa “Ogie Diaz Showbiz Update” at ikinuwento niya kung ano ang nag-trigger sa kanya upang gawin ito.
Ayon kay Pokwang, “Siguro ‘yung hindi marunong magpakumbaba. Kasi parang feeling ko, ako ‘yung nasa bansa ko pero bakit kailangan ako ‘yung mag-adjust? Which is wrong.”
Ipinaliwanag din niya na hindi lang naman ito para sa kanyang anak at pamilya, kundi pati na rin sa mga kababaihan na nakararanas ng kaparehong sitwasyon.
“Sana maintindihan nila one day kung bakit sobrang ginagawa ko ito,” sambit ng aktres.
Aniya pa, “Hindi lang po para sa akin ‘to, hindi lang para sa pamilya ko, kundi para sa mga maaari pang susunod na tanga na kagaya ko.”
Nabanggit din ng komedyana na ito na ang tamang oras upang ipaglaban ang kanyang karapatan bilang isang ina at Pilipino.
Saad niya, “Hindi naman dahil galit ako sa kanya o ano. May na-violate siya a batas na kailangan niya – kasi tayong mga Pilipino, kapag nagpupunta sa ibang bansa, dumadaan tayo sa butas ng karayom, ‘diba?Lahat ng pinagdadaanan nating hirap.”
“Parang medyo unfair naman na parang ‘yung isang kagaya niya na parang wala lang, parang easy-easy,” paliwanag pa niya.
Dagdag niya, “Tsaka isa pa, wala naman sanang problema kung nagpapaka-ama.”
“Bukod sa hindi na niya nagagawa ‘yung ano niya bilang tatay, hindi pa niya nagagawang sundin kung ano ang batas meron tayo. And it’s about time na bigyan natin ng leksyon ‘yung mga ganyang gawain,” sambit pa ni Pokie.
Noong Marso lamang ay nabanggit ng komedyana na inaayos na niya ang mga legal na dokumento para matanggal na ang apelyido ni Malia na “O’Brian” at isunod na ito sa kanyang surname na “Subong.”
Kung maaalala, isa sa mga rason kaya niya hiniwalayan at pinalayas ang dating partner dahil anim na taon na itong naging palamunin at walang ibinibigay na child support para sa anak nila.
RELATED STORIES
Pokwang to those telling her not to be ‘bitter’ over Lee O’Brian: ‘Hayaan niyo muna ako sumigaw’
Pokwang tears up after receiving hug, encouragement from flight crew