Showbitz

Kiray sinuntok ang manlolokong dyowa; umaming naging masamang anak dahil sa lalaki

Stephan Estopia at Kiray Celis

NAGING “masamang anak” ang Kapuso comedienne na si Kiray Celis nang dahil sa una niyang boyfriend.

Nagawa raw kasi niyang suwayin ang kanyang mga magulang noong kasagsagan ng pakikipagrelasyon niya sa dyowang hindi niya pinangalanan.

Ayon sa dalaga, hindi raw talaga third party ang naging sanhi nang pakikipaghiwalay niya sa nasabing guy kundi ang masamang impluwensiya na hatid nito sa kanya.

At alam n’yo ba na nasuntok pala nang bonggang-bongga ni Kiray ang kanyang first boyfriend dahil sa isinagot nito nang tanungin niya kung bakit siya niloko.

“Ang hindi ko pinakanakakalimutan na narinig ko, sabi ko ‘Bakit mo ako niloko?’ Ang sagot niya ‘Kasi deserve mo.’

“Hindi ko po napigilan ang sarili ko, nasuntok ko. Nasuntok ko talaga. Tapos nagulat ‘yung mga tao kasi ang lakas,” pagbabahagi ni Kiray sa “Stories of Hope” ng GMA.

Ayon pa sa dalaga, “Kapag maling tao talaga, mararamdaman mo kaagad. Kasi kapag may nagtatanong sa akin noon dati na ‘Nakikita mo siya sa future mo? Kailan kasal n’yo? Kailan kayo magkakaanak? Anong plano n’yo? Sobrang toxic kasi laging lahat negative ‘yung naririnig ko.”

Nabanggit din niya na talagang binago ng unang dyowa niya ang kanyang pagkatao, mula sa pananamit hanggang sa pagkilos.

“I’m a different person. Kasi iniba ako ng taong iyon. Iniba niya ako simula sa pananamit, simula sa ugali.

“Sobrang jologs ko po kasi, siyempre pinalaki ako ng parents ko na huwag masyadong maarte. Kahit nga sa floor puwede akong mag-Indian sit, ‘yung rubber shoes lang. Siya, kailangan lagi akong feminine, kailangan laging posh,” kuwento pa ng Kapuso star.

At dahil nga sa pagmamahal niya sa guy, hinayaan niyang baguhin siya  nito at nagawa pang suwayin ang mga magulang.

“Iniba niya talaga ako. Kahit ‘yung ugali ko iniba niya ako, iniba niya ako as a person talaga, buong buo. Inside and out iniba niya ako. Alam ng mga kaibigan ko na ‘Iba na, iba ka na.’

“Kasi literal sobrang samang anak, sabi ko talaga naging masamang anak ako noong panahon na napunta ako sa maling tao,” pag-amin pa ni Kiray.

Sa ngayon, lagi raw bitbit ni Kiray ang mga life lesson na itinuro sa kanya ng karanasang iyon at nagpapasalamat siya sa pagdating ng isang taong nagpabalik sa paniniwala niya sa true love.

Ang tinutukoy niya ay ang kanyang boyfriend na si Stephan Estopia, na siyang naging daan para maka-move on sa napakanega niyang first relationship.

“Totoo pala ‘yung nasa tabi mo lang, hindi mo pinapansin, ‘yun pala ‘yung tamang tao para sa ‘yo. Noong naging kami, ilang araw pa lang, burado na po ‘yung tatlong taon sa maling tao.

“I’m Kiray now, ako na siya. Bumalik na ako, ako na ulit. ‘Yung saya ko, ‘yung happiness ko.

“Actually ang dami ko ngang natutunan, ilang beses kong sasabihin sa inyo, ang dami kong natutunan sa maling relasyon. Kaya thankful din po ako, Kasi hindi mo naman makikilala ‘yung tama kung hindi ka rin nagkamali,” lahad pa ng komedyana.

TAGS: Kapuso comedienne, Kiray Celis, Stephan Estopia
Latest Stories
Most Read

Subscribe to our regional newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and
acknowledge that I have read the Privacy Policy.