MUKHANG wala talagang balak makipag-areglo ang lalaking nagdemanda laban sa Kapamilya youngstar at social media star na si Awra Briguela.
Bukod kasi sa mga naunang kasong isinampa ni Mark Christian Ravana, kabilang na ang slight physical injuries at simple disobedience to a person in authority, may tatlo pang asuntong isinampal laban kay Awra.
Si Ravana ang lalaking napagtripan umano ni Awra sa The Bolthole Bar, sa Poblacion, Makati City. Ang pangungulit ng dating child star ay nausi sa kaguluhan at iskandalo na naging sanhi ng pagkaaresto at pagkakulong ng teenager.
Mahigit isang buwan matapos maganap ang nasabing insidente, nadagdagan pa nga ng tatlong karagdagang reklamo si Awra sa Makati City Prosecutor’s Office.
Pahayag ng abogado ni Mark Christian Ravana na si Atty. Nick Nangit sa panayam ng media kahapon, August 16, “We are filing, in fact we already filed, three additional cases against Awra Briguela.”
Ang mga ito ay ang violation of Article 283 (light threats o pambabanta) under the Revised Penal Code, violation of Article 286 (Grave Coercion o pamimilit) under the RPC, at Violation of Section 11(c) in relation to Section 11(a) of the Safe Space Act (o Bawal Bastos Law).
Sabi pa ni Nangit sa ulat ng GMA News, “You know the CCTV, kumakalat yan, di ba, so hinahawak-hawak siya, so there’s a violation of the private space.
“And then the second, pinasarado niya (Awra) yung pintuan ng third floor, hindi puwedeng bumaba because hindi siya (Ravana) naghuhubad. So, that is already life threats.
“And then the third, nung hinila siya pabalik, nahulog sila pareho, grave coercion,” ayon pa sa abogado ng complainant na nagsabi pang may “very strong case” laban kay Awra.
Samantala, wala raw katotohanan ang mga kuwentong lumabas sa social media na nagkaayos na ang complainant at si Awra.
“Hindi po totoo yun na nagkaayos kami. Wala pong lumapit sa akin,” sabi ng lawyer.
Sinabi naman ni Ravana na bukas naman sila sa posibleng pakikipag-usap sa kampo ni Awra sa labas ng korte. Pero feeling daw niya, siya na nga ang biktima parang siya pa ang nadedehado.
“Willing naman po kami pero sa ngayon na parang kami pa po yung…kami na nga po yung biktima, kami pa po yung talagang nadedehado dito sa pangyayaring ito. Pero tingnan na lang po natin,” aniya pa.
Matatandaang pansamantalang nakalaya si Awra noong July 1, sa Makati Custodial Jail, matapos magpiyansa ng P6,000.
Habang sinusulat namin ang balitang ito ay wala pang inilalabas na official statement ang kampo ni Awra o ang manager niyang si Vice Ganda hinggil sa mga bagong kasong isinampa sa kanya.
RELATED STORIES
Awra Briguela returns to social media after brawl incident
Awra Briguela faces more charges after Makati bar brawl
Awra Briguela freed from custody after posting P6,000 bail