67-anyos na lola nakapagtapos ng junior high: ‘Hindi nakakahiyang magsimula uli kahit ikaw ay senior citizen na’
MULING pinatunayan ng isang lola na hindi hadlang ang edad at katayuan sa buhay para mabigyang katuparan ang mga bagay na matagal na nating pinapangarap.
Pinusuan at ni-like ng napakaraming netizens ang pampa-good vibes at inspiring story ng 67-anyos na si Rosemarie Rañola na mula sa Oas, Albay.
Isa kasi si Lola Rose sa mga estudyanteng nakapagtapos sa junior high school matapos mahinto ang kanyang pag-aaral noong siya ay 13 years old pa lamang.
Naka-graduate siya sa Grade 10 sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS) at sa kabila ng kabisihan sa pag-aasikaso at pag-aalaga sa kanyang mga anak at apo.
Siyempre, proud na proud ang teacher niyang si Sarah Jane Robrigado dahil sa tagumpay ni Lola Rose pati na rin ng iba pa niyang estudyante na talagang ginawa ang lahat para makapasa at maka-graduate.
Sa kanyang Facebook account, ibinandera ni Teacher Sarah, na isang ALS teacher sa Busac Community Learning Center sa Oas, Albay, ang kuwento ni Lola Rose.
Sabi ng guro, talagang kinarir ng kanyang estudyanteng senior citizen ang pag-aaral para matupad ang pangarap niyang makapagtapos.
Pagmamalaki ni Teacher Sarah kay Lola Rose, “Nakita ko talaga kay Lola Rose yung determinasyon niya na matuto.”
“I am proud and inspired sa ipinakitang pagpupursige sa pag-aaral ni Lola Rose sa kabila ng kanyang edad. Makikita mo talaga sa kanya yung determinasyon na matuto dahil goal niya ang makatapos at makakuha ng diploma.
“Isa siyang inspirasyon sa mga out of school youth and adults na pinanghihinaan na ng loob na ipagpatuloy ang pag-aaral,” ang sabi ni Teacher Sarah nang makausap namin siya via chat.
“Aside sa pangarap na talaga ni Lola Rose noon pa man ang maipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa high school, ang makatapos at makakuha ng diploma, mas lalo siyang na encourage ko mag-aral sa ALS dahil flexible ang oras at paraan ng pag-aaral dito.
“Kaya sabi sa akin ni Lola Rose, pwedeng-pwede siya rito. Magagampanan pa rin daw niya ang kanyang mga tungkulin bilang ina at lola. Magagamit daw niya ang kanyang natutunan sa pagtuturo sa kanyang mga apo na kanyang inaalagaan lalo na kapag may mga takdang aralin ang mga ito,” aniya pa.
Pahayag naman ni Lola Rose, “Hindi nakakahiya magsimula at magsumikap kahit ikaw ay senior citizen na at may edad na.
“At pangarap ko na talaga noon pa man ang maipagpatuloy ang aking pag-aaral sa high school, ang makatapos at makakuha ng diploma,” aniya pa.
Pagbabahagi pa niya, naging madali para sa kanya ang pag-aaral sa pamamagitan ng ALS dahil flexible ang oras nila. Dahil dito, nagagawa pa rin niya ang mga dapat gawin para sa pamilya.
Sabi pa ni Lola Rose tungkol sa kanyang pagtatapos, “Kahit wala nang tatanggap na trabaho sa edad ko, ang mahalaga po mas lumawak at madagdagan pa ang aking kaalaman.”
Sa ngayon ay naka-enroll sa Saban National High School si Lola Rose at kumukuha ng General Academic Strand sa Senior High School.
Ito naman ang ibinahaging mensahe ni Teacher Sarah, “Para sa lahat na gusto pa ring makapagtapos kahit may edad na, pwedeng pwede mo pa rin gawing goals na ituloy ang pag-aaral sa elementary, junior high school o senior high school sa pamamagitan ng Alternative Learning System.
“Dahil sa ALS, may pag-asa! Kailangan lang ng sipag, tiyaga at determinasyon. Huwag sayangin ang opurtunidad at pagkakataon na makapag-aral muli.
“Sabi nga ni Lola Rose, ‘Hindi nakakahiya magsimula at magsumikap kahit ikaw ay senior citizen na at may edad na.’ Isang patunay lamang na hindi hadlang ang edad para tuparin ang naudlot na pangarap,” pahayag pa ng guro.
RELATED STORIES
83-year-old woman fulfills dream of finishing high school
179 Cebu City Jail male PDLs graduate from ALS
Cebuano couple inspires after graduating together from ALS
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.