Showbitz

Badjao Girl Rita Gaviola inaming may cyst sa dibdib, Karen Davila sasagutin ang pagpapa-check up

Badjao Girl Rita Gaviola and Karen Davila

INAMIN ng dating “Pinoy Big Brother” teen housemate na si Rita Gaviola, o mas kilala sa tawag na Badjao Girl, na may iniinda siyang bukol o cyst sa katawan.

Sa kanyang interview kay Karen Davila na mapapanood sa YouTube channel ng huli, ibinahagi niya ang ilang pagbabago sa buhay niya buhat nang maging ganap na siyang ina.

Ani Rita, marami man daw ang nagbago sa kanyang buhay ngayong ganap na siyang ina pero hindi pa rin nawawala ang pagmamahal niya sa kanyang pamilya.

Matatandaang kamakailan lang nang aminin niya na mayroon na siyang baby girl na pinangalanan nilang Kiana.

Kwento ni Rita, bagamat handa siya sa pinasok niyang bagong chapter ng kanyang buhay, hindi pa rin maiwasan na masaktan siya sa mga negatibong kumento ng mga netizens.

“‘Maaga ka lumandi,’ ‘Bobo ka, kung inuna mo yung career mo kesa sa kalandian mo,’ Anong ipapakain mo sa bata? Babalik ka sa pamamalimos mo?’

“Sa akin, ang hirap na parang, ‘Ba’t ganoon, hindi naman nila ako kilala totally? Ba’t nila ako hinuhusgahan? Ganito, ganyan, na ang ipapakain ko raw sa anak ko galing sa hingi…’” pagbabahagi ni Rita.

Pero itinuturing pa rin niya at ng kanyang partner na blessing ang kanilang anak.

 

View this post on Instagram

 

A post shared by Kristin Karen Davila (@iamkarendavila)

Sa kalagitnaan ng panayam ni Karen kay Rita ay nabanggit nito ang iniindang karamdaman.

Chika niya, mayroon siyang cyst sa kanyang dibdib.

“Nagpa-check-up na po ako dati. Meron po talaga siya. Sabi nila po, parang ano, bukol lang talaga. Normal lang sa babae,” sey ni Rita.

Pagpapatuloy pa niya, “Tas, ayun, binigyan ako ng gamot. So, uminom ako hanggang sa nawala. Pero bumalik siya.”

Sundot na tanong ni Karen kung tumor nga ba ang tumutubong bukol sa katawan ni Rita.

“Opo pero hindi cancer,” sagot ng first time mom.

Kahit na hindi ito cancerous ay aminado siyang nag-aalala siya sa kanyang bukol.

“So, parang nagtataka na ako ulit kasi bumalik siya at masakit siya, lalo na pag natatamaan siya. Tapos kahit hawak lang, masakit po,” lahad ni Rita.

Sa kabila ng nararamdamang sakit ay pinipilit na lamang niya itong tiisin dahil mas uunahin niyang ibigay ang pampagamot niya sa kanyang pamilya.

“Kumbaga, parang kailangan kong tiisin na hindi ako nakapagpa-check-up, kasi imbes na i-check-up ko, ibigay ko na lang sa parents ko pambili nila ng pagkain. Ganito lang po talaga ako. Nakikita niyo masaya, pero hindi nila alam may pinagdadaanan din ako,” sey ni Rita.

Nangako naman ang broadcaster na ipapatingin at sasagutin niya ang pagpapagamot sa bukol na tumutubo sa dibdib ni Badjao Girl para hindi na ito mag-alala at maibsan ang isipin niya.

RELATED STORIES

‘Badjao Girl’ welcomes her first child, answers negative comments

‘Badjao girl’ eyes Miss Universe pageant

 

TAGS: Badjao Girl, Cebu Daily News, cyst, Rita Gaviola, Showbiz news
Latest Stories
Most Read